Para kay Kris Aquino, Cory, Noynoy at Peping Cojuangco.
1.Sa Bahay ng Sakada
Dalawang araw nang hindi kumakain ang mga bata,
Ang banggera-bolanteng taguan ng ulam, kanin,
Sinisimot ng mga daga;
Pagal ang ina, simot na ang gatas sa dibdib
Na pilit niyuyupyop ng sanggol na singpayat ng
Lumang manika ng mga batang babaeng tulala sa kalsada;
Muling mamamaalam sa mga ama, ina, ate, kuya,
Mga kaibigan, kamag-anak, na pupunta sa welga.
2. Sa Kongreso,
Patuloy ang pamumulaklak ng bunganga
Ng bibig ng mga makisig na alyado, kamag-anak,
kaibigan, bayaran, ingat-yaman ng mga taga-Luisita;
Salot ang welga, malulugi ang kompanya,
Ang korporasyon, ang buong asyenda;
Patuloy ang pag-ulan ng maasukal na salita.
Patuloy,
3. Sa Welga
Hindi alam ng sakada kung ano ang mauuna;
Kung patutuluin ba ang luha sa mata, o
Kung ang dugo ay paagusin muna
Sa tadyang, sa hita, sa mukha;
Sa mga parteng tinamaan ng bala.
Hindi niya alam kung luluha o
Nanamnamin ang ngalit ng mainit na bala.
Ipipikit ang mata.
Dilim.
Wala nang makita.
4. Sa TV
Nakangiti si Kris at mga amiga
Tinatalakay ang latest tsika
Pagandahan ng kolorete, alahas, kotse,
Boypren, buhay ng mga amiga.
Payabangan, paramihan ng pera.
Privilege speech ni Noynoy,
Panalangin ni Cory.
Pakimi ni Peping.
Tahimik. Tahimik. Tahimik.
Payapa ngayon ang Luisita.
5. Pagbalik sa Asyenda
Patuloy na pinaglalamayan
Ang mga patay na manggagawang
Tinamaan ng bala, nalason ng teargas,
Pinaglalamayan ng mga patuloy na
Nagugutom na kaanak,
Ina
Kaibigan
Anak
Asawa.