“It is such a secret place,
this land of tears.”
-The Little Prince
Dumating ang takipsilim
nang di niya inaasahan.
At nagpasiya siyang bumalik
sa hardin, sa harding lihim—
sumaksi sa kanyang teritoryal
na pagtuklas at pagyakap;
ang hardin ng mga luhang
bumakat sa bawat lukot
na mga tuyong dahong
nangalaglag ng mahinahon
sa panahon ng taglagas.
Ngunit wala na roon
ang mga puno, wala na
ang duyang umugoy sa kanya,
wala na ang dilaw na bumbilyang
nagsupling sa mga bulaklak.
Wala ng anuman roon kundi
ang pamumula ng kanyang mukha.
Ngunit hindi siya umiyak.
Tumayo siya sa gitna,
ni hindi nagkibot ng labi
o nagkurap ng mata.
Tumayo siya sa gitna
at pinagmasdan ang kumakaway
na kalungkutan na nagkahugis
sa mga ulap. Pinagmasdan niya
ang liwanag ng umaga,
ang walang gatol na daloy
ng buhay na pilit na kumakawala
sa kanyang mga kamay.
Tila ba may mali sa dakong iyon,
tumatakas ang kanyang malay
sa pagitan ng kanyang dibdib.
At natutunaw ang paligid
tulad ng kanyang mga ngipin.
Nang gumabi, humihip ang hangin
at humilamos sa kanya ang lamig.
Ang mga bituin ng gabing iyon
ay ngumiti sa kanya. Milyun-
milyong bituin ang ngumiti
ng gabing iyon. Kumislap
ang langit na tulad ng mga basag
na salaming nakalahok sa buhangin
at nakabilad sa araw.
Dumating ang takipsilim
nang di niya inaasahan
ngunit ito’y kanyang naintindihan.
-kinuha mula sa kaluluwang lumulutang